Home Speeches of the Secretary Payapa at Masaganang Pamayanan or PAMANA Program Launch Shariff Kabunsuan Cultural Complex, Cotabato, ARMM
Payapa at Masaganang Pamayanan or PAMANA Program Launch Shariff Kabunsuan Cultural Complex, Cotabato, ARMM PDF Print E-mail
Monday, 08 August 2011 17:40

 

ARMM Governor Adiong, Maguindanao Governor Mangudadatu, ARMM Executive Secretary Sinarimbo, mga kasamahan mula sa OPAPP at atin pong mga kasamahan mula sa iba’t-ibang lokal na pamahalaan, mga kasamang lingkod bayan na nandito, at mga mamamayan na tumatanaw na mababago na ang ating buhay, isang magandang umaga, Salam Alaikum!

Kami po sa DSWD ay tinatahak, nakikiisa sa pagpapanday sa pagtatayo ng bagong buhay para sa ating mga kasamang nahinto ang normal na pamumuhay dahil sa mga sigalot o conflict na nangyari sa ating mga lugar.  Kami po ay sumasama sa inyong panibagong paglalakbay para maitayo ang mapayapa, maunlad at nais kong isiping masayang pamayanan.

Sapagkat para sa akin po, ito pong lahat na ating ginagawa para sa amin sa DSWD, maganda na may pagtatawanan, pagsasaya, pagsasayaw, pagkanta ang ating mga pamayanan bilang katibayan na ang komunidad ay tunay na may payapa.  May kapayapaan na naka-ugat sa katarungan at may kapayapaang naka-ugat sa kaunlaran.

Kaya kami po, hindi simpleng pagtatayo ng bahay, hindi simpleng pagtulong sa inyo na magkaroon ng kaunti para sa buhay na simulang inaasahan ng malagong negosyo o palagiang hanapbuhay.  Kami ay bahagi sa proseso ng pagtatayo, paghuhulma ng bagong relasyon.  Bagong relasyon sa isa’t-isa, sa pamayanan, paghilom sa mga sugat, pagsisigurado na ang ating mga anak ay magkakaroon ng kinabukasan na naka-ugat sa paggalang, sa pagyaman ng ating sariling kaugalian at pagsisigurado na ang kaunlaran ay nararamdaman hindi ng iilan kung hindi ng lahat.

Kaya minsan pa, kami po ay tumatayo at nakikiisa kasama ang pambansang mamamayan sa pangunguna ni Pangulong Noynoy Aquino na nagsasabing walang dapat maiwanan mula sa pinaka-nangangailangan hanggang sa mga maunlad na mamamayan. Sama-sama nating harapin na ang totoong pagbabago ay ating gagawin tungo sa isang mapayapa, maunlad, masaya at makatarungang lipunan. Magandang umaga!



Speech delivered by Secretary Corazon Juliano-Soliman  during the Payapa at Masaganang Pamayanan or PAMANA Program Launch Shariff Kabunsuan Cultural Complex, Cotabato, ARMM July 23, 2011

 
© 1998-2012, Department of Social Welfare and Development
Constitution Hills, Batasan Pambansa Complex, Quezon City, Philippines
Tel. (632)931-81-01 to 07 | Moblie