600,000 na ang mga Benepisyaryo ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) – Walang Gutom Program (WGP)
Inanunsyo ni DSWD Undersecretary for Innovations and Program Development and concurrent National Program Director of the Walang Gutom Program – National Program Management Office Eduardo M. Punay na umabot na sa 600,000 ang mga benepisyaryo ng Walang Gutom Program (WGP) sa ginanap na WGP Redemption Activity kasabay ng Ceremonial MOA Signing ng Tara! Basa Tutoring Program noong 12 Pebrero 2026 sa Romblon State University.
Ang pag-akyat sa 600,000 household beneficiaries ay bahagi ng pagtupad sa pangako ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa kanyang State of the Nation Address noong Hulyo 28, 2025, kung saan inihayag ang pagpapalawak ng programa upang mas marami pang pamilyang Pilipino ang makinabang sa tulong pagkain ng pamahalaan.
Sa harap ng mga benepisyaryo at katuwang ng programa, binigyang-diin ni Usec. Punay na ang milestone na ito ay patunay ng patuloy na pagsisikap ng pamahalaan na labanan ang kagutuman at tiyaking may pagkain sa hapag ng bawat pamilyang kabilang sa programa.
“Ngayong 600,000 na tayo, natupad na natin ang pangako ng ating Pangulo. Ito ang tulong na ibinibigay natin sa ating mga beneficiaries. Ang layunin ng Walang Gutom ay matiyak na may maihahain kayong pagkain araw-araw,” pahayag ni Usec. Punay.
Kasabay ng programa, nasaksihan ang aktuwal na paggamit ng Electronic Benefit Transfer cards na naglalaman ng Php3,000 food credits sa pagbili ng masusustansyang pagkain tulad ng gulay, protina, at bigas mula sa mga accredited partner retailers. Para sa maraming benepisyaryo, ang simpleng pag-tap ng card ay sumisimbolo ng katiyakan na may maihahain sila sa mesa at may suporta silang maaasahan mula sa pamahalaan.
Patuloy ding pinalalawak ang saklaw ng Walang Gutom Program sa pagdaragdag ng Negros Island Region at MIMAROPA. Inaasahang madaragdagan pa ito ng 150,000 benepisyaryo ngayong taon upang maabot ang 750,000 household beneficiaries pagsapit ng 2026.
Sa patuloy na pagpapatibay at pagpapalawak ng Walang Gutom Program, layunin ng DSWD na higit pang mapalakas ang seguridad sa pagkain at masuportahan ang pangmatagalang pag-angat ng bawat sambahayang Pilipino tungo sa mas matatag at mas maunlad na kinabukasan.