Naging matagumpay ang pamamahagi ng unang tranche ng SAP at nakapaghatid ng Php100.43 bilyon na ayuda sa buong bansa dahil sa malaking tulong ng lokal na pamahalaan mula sa pagsusumite ng listahan hanggang sa ligtas at maayos na pamamahagi ng ayuda sa benepisyaryo.

Naipamahagi na ng DSWD sa higit 17.6 milyong pamilyang benepisyaryo ang ayuda mula sa unang bugso ng Social Amelioration Program o SAP first tranche. Ang numerong ito ay base sa 18 milyon na indicative target alinsunod sa Bayanihan to Heal as One Act na layuning maibsan ang epekto ng ipinatupad na community quarantine sa bansa bunsod ng pandemya.

Ayon sa monitoring ng DSWD Agency Operations Center, ang lahat ng lokal na pamahalaan sa buong bansa ay nakapamahagi na ng unang tranche ng SAP. Tatlumpu’t siyam (39) sa kabuuang 1,634 na lokal na pamahalaan na lamang ang hinihintay na makapag-sumite ng liquidation. Karaniwan na nagiging dahilan ng pagka-antala ng liquidation report ay ang pagsasagawa ng post-payout validation bilang patunay na eligible ang benepisyaryong nakatanggap ng ayuda, at upang masiguro rin na walang magdoble sa mga nabigyan ng ayuda. Naging balakid din ang pagsasagawa ng encoding ng mga SAC Form at mahinang internet connection sa pagpo-propreso ng deduplication. Kaya naman nagpadala ang DSWD Field Offices ng staff augmentation sa lokal na pamahalan upang mas mapabilis pa ang encoding ng mga SAC Form.

Bilang agarang pagtugon, sinimulan na rin ng Kagawaran ang pamamahagi ng second tranche ng ayuda sa mga Lokal na Pamahalaan na nakapagsumite na ng kompleto at tama na liquidation. Higit 6.9 M benepisyaryo sa kabuuang at mga “waitlisted” ang nabigyan na ng ayuda para sa second tranche nitong nakaraang 29 Hulyo 2020.

Ang mga natutunan mula sa pamimigay ng unang tranche ng SAP ay nagbigay daan sa pagbuo ng Relief Agad App upang mapadali at mas mapabilis ang pagkalap ng datos para sa pagproseso ng ikalawang tranche. Nakipag-ugnayan din ang DSWD sa iba’t ibang financial service providers (FSPs) upang magsagawa ng digital payout ng nasabing emergency cash subsidy. Handa din ang Armed Forces of the Philippines at ang Philippine National Police na suportahan ang Kagawaran sa pamamahagi ng SAP-Second Tranche. ###