Nagpapasalamat ang DSWD sa mga lokal na pamahalaan na nakapagsumite ng kanilang listahan ng “waitlisted beneficiaries” o mga kwalipikadong mga pamilya na hindi nakatanggap ng ayuda sa 1st tranche. Bagamat nakapagsumite na ang mga LGUs ng listahan sa DILG nais naming linawin na ang karamihan nito ay hindi pa nasertipikahan ng mga Lokal na Punong Ehekutibo.

Sa kadahilanang ito, ang DSWD ay nakikiusap sa mga lokal na pamahalaan na agarang isumite ang sertipikadong listahan ng “waitlisted.”

Ang masterlist ng “waitlisted” na naglalaman din ng Social Amelioration Card (SAC) identification number, ay kinakailangang mapirmahan at masertipikahan ng City / Municipal/ Provincial Social Welfare and Development Officer at ang Lokal na Punong Ehekutibo o Alkalde ng Bayan.

Mahalaga ang sertipikasyon na nagsasaad na ang mga pangalan sa isinumiteng listahan ay nasuri at kwalipikado o karapat-dapat batay sa mga umiiral na panuntunan.

Ang listahan ng mga karagdagang benepisyaryo na isusumite sa mga DSWD Field Offices, kasama ang mga na-encode na SAC forms, ay sasailalim sa regional at inter-regional deduplication upang matiyak na hindi magkakaroon ng duplikasyon sa pagtanggap ng ayuda.

Upang mapabilis ang proseso ng balidasyon, hinihiling ng DSWD ang tulong ng mga lokal na pamahalaan na kung maaari ay ipaskil sa bawat kalye ng kanilang nasasakupan, at sa kanilang social media accounts, ang talaan ng “waitlisted’ na isinumite nila.

Hinihikayat ang taong-bayan na suriin ang listahan ng “waitlisted” na nararapat na tumanggap ng Social Amelioration Program (SAP), na inilaan ng pamahalaan para sa mga mahihirap na miyembro ng lipunan at hindi nakakuha ng ayuda mula sa iba’t-ibang ahensiya ng pamahalaan. Inaasahan namin na sa pamamagitan ng inyong tulong at kooperasyon ay mapapabilis ang pagsusuri ng mga kwalipikadong benepisyaryo.

Mula sa aming lahat sa Kagawaran ng Kagalingan at Pagpapaunlad Panlipunan (DSWD), maraming salamat po. ###