Si Mang Larry de Lara at ang kanyang maliit na babuyan, negosyong kanyang nasimulan sa tulong ng Sustainable Livelihood Program (SLP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Ang kinita ni Mang Larry sa babuyan ay ginamit niya upang makapagtayo ng isang sari-sari store at talyer kung saan ay nagbebenta rin siya ng mga spareparts ng motorsiklo.
Si Mang Larry de Lara at ang kanyang maliit na babuyan, negosyong kanyang nasimulan sa tulong ng Sustainable Livelihood Program (SLP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Ang kinita ni Mang Larry sa babuyan ay ginamit niya upang makapagtayo ng isang sari-sari store at talyer kung saan ay nagbebenta rin siya ng mga spareparts ng motorsiklo.

Kilala ang ating mga Overseas Filipino Workers (OFW) bilang makabagong bayani ng ating henerasyon. Ang kanilang kwento ng sakripisyo makapagbigay lamang ng magandang buhay sa kanilang mga minamahal ay sadya namang nakamamangha.

Tulad nila, si Larry De Lara, 50, naninirahan sa Brgy. Sta Teresa, Magsaysay, Occidental Mindoro, ay sumubok din ng kaniyang kapalaran sa ibang bansa.

Siya’y nagtrabaho sa Saudi Arabia mula 2005 dala ang pag-asang maiahon sa hirap ang kanilang buhay. Pagkatapos ng anim na taon, napagpasyahan niyang bumalik sa Pilipinas upang dito maghanap ng ibang oportunidad habang kasama ang pamilya.

Si Mang Larry ay naging empleyado ng Occidental Mindoro Electric Cooperative (OMECO) bilang isang lineman. Sa kasamaang palad, pagkalipas ng dalawang taon, siya ay naaksidente sa motorsiklo na naging dahilan ng kanyang paghinto sa pinapasukang trabaho. Kaya nagpasya na lamang siya na magtayo ng maliit na vulcanizing shop sa kanilang lugar. Di man regular ang kita, kahit papaano ay may naipapakain siya sa kanyang asawa at anim na mga anak.

Ngunit sa di inaasahang pagdating ng pandemya, tulad ng marami, si Mang Larry din ay lubhang naapektuhan. Ang maliit na vulcanizing shop na kanilang inaasahan sa pang-araw-araw na gastusin ay di na halos kumikita sa dalang ng mga nagpapaayos ng mga motorsiklo. Kaya sumubok silang magtanin ng gulay at mangutang upang may maipakain sa pamilya at may pangtustos sa pang-araw-araw na gastusin.

Taong 2021, nagpasya nang lumapit si Mang Larry sa lokal na pamahalaan ng Magsaysay upang maibangon ang kanyang kabuhayan. Mapalad siyang napabilang sa mga naging benepisyaryo ng Sustainable Livelihood Program (SLP) na isang mayor na programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ginamit niya ang natanggap na Php8,000.00 livelihood assistance grant mula sa SLP ng Ahensiya bilang puhunan sa pagsisimula ng kaniyang babuyan. Unti-unting nakapagpundar ang kanyang pamilya ng isang sari-sari store mula sa kinita ng kaniyang proyektong pangkabuhayan. Ang dati rin niyang maliit na vulcanizing shop ay isa na ngayong talyer na nagbebenta ng mga spareparts ng motorsiklo.

Kaya gayon na lamang ang pasasalamat ni Mang Larry sa livelihood assistance na kanyang natanggap.

“Malaki ang pasasalamat ko sa lokal na pamahalaan ng Magsaysay at sa DSWD SLP sa tulong at tiwala na ibinigay nila sakin upang makabangon kami sa pagbagsak ng kabuhayan namin noong panahon ng pandemya,” ani Larry sa isang panayam ng DSWD.

Dagdag pa ni Larry: “Yong mga tulong na binigay satin ay huwag natin sayangin at pahalagahan natin.”

Dahil nga sa ganitong kaisipan at aktitud na meron si Mang Larry ay matagumpay niyang napalago ang halagang naipagkaloob sa kaniya.

Kaagapay ang kanyang maybahay at ang kanilang anim na anak, di alintana sa mukha ni Mang Larry ang hirap na pinagdaanan sa buhay.

Sama-sama ang pamilya niya sa kanilang naging pagbangon, Malaking tulong sa pamilya ni Larry ang naibigay ng DSWD na puhunan sa pamamagitan ng SLP.

Tunay ngang wala nang mas hihigit pa sa kasiyahang dulot na makasama ang mga mahal sa buhay.

At sa kabila nga ng mga pagsubok na naranasan, nanatili si Larry na isang matibay na haligi ng kanilang tahanan. #